Noong unang na-publish ni Dr. Gary Chapman ang The 5 Love Languages: The Secret to Love That Lasts noong 1992 wala siyang ideyang sisikat siya sa buong bansa at mananatili sa mga best-selling list ang kanyang akda sa susunod na mahigit dalawang dekada.
Ayon kay Dr. Chapman, nakikipag-usap ang lahat gamit ang isang pangunahing wika ng pagmamahal — isang paraan kung paano tayo nagbibigay at tumatanggap ng pagmamahal sa ating mga partner. Ano ang limang wika? Quality time, mga regalo, pagseserbisyo, pisikal na haplos, at mga salitang nagbibigay ng kumpyansa.
Sa limang ito, maraming psychologist ang naniniwalang ang mga salitang nagbibigay ng kumpyansa sa pamamagitan ng mga salita ng paglalambing ang isa sa mga pinakamadaling paraan para mapaganda ang inyong relasyon. Ayon pa sa mga co-author ng The Normal Bar, sa 100,000 Amerikanong nakilahok sa isang poll, ang 76 na porsyentong nagsasabing napakasaya nila sa kanilang relasyon ay gumagamit ng mga pet name para tawagin ang kanilang kabiyak.
Kaya bilang pagdiriwang sa Valentine’s Day, kinalap namin ang 10 sa mga pinakapaborito naming salita ng paglalambing mula sa iba’t ibang bansa.
- Tamago gata no kao (Japan)
Pagsasalin: Itlog na may mga mata
Bagama’t hindi ganoong karomantiko ang pagsasalin, madalas ginagamit ang mga katagang ito para papurihan ang pisikal na kagandahan, lalo na sa mga babae, dahil maganda sa kulturang Hapon ang pagkakaroon ng isang mukhang hugis itlog.
- Petit chou (France)
Pagsasalin: Maliit na repolyo
Literal na “repolyo” ang ibig sabihin ng chou, pero pwede rin itong mangahulugan ng kahit na anong maliit, bilog, at cute. Pwedeng mangangahulugan ang mga katagang ito na darling o sweetheart.
- Mausbär (Germany)
Pagsasalin: Dagang oso
Literal ang ibig sabihin ng mga katagang ito ng paglalambing. Ipinapahiwatig nito na kasing-cute siya ng isang maliit na daga, at masarap siyang yakapain na parang malaking oso.
- Media naranja (Spain)
Pagsasalin: Kalahati ng kahel
Malamang ay narinig mo na ang salitang “kabiyak.” Kung tatawagin mong kalahati ng kahel ang isang tao, para mo na ring sinabing kinukumpleto ka niya.
- Gordo(a) (Ecuador)
Pagsasalin: Mataba
Ginagamit ang katagang ito para sa mga romantikong relasyon at mga relasyong pampamilya, at wala itong ibig sabihing masama. Sa katunayan, wala itong kinalaman sa timbang — sa halip, cute o “cutie” lang ang ibig nitong sabihin.
- Microbino mio (Italy)
Pagsasalin: Ang maliit kong mikrobyo
Marahil agham ang pinakahuli mong gagamiting reference kapag gusto mong tawagin ang iyong karelasyon. Pero sa kabila ng maaaring maging ibig sabihin ng pagsasalin, ang ibig sabilhin lang ng mga Italian na katagang ito para sa paglalambing ay “little one,” o “tiny thing.”
- Chuisle (Ireland)
Pagsasalin: Aking pulso
Sa Gaelic na katagang ito, ipinapahiwatig mong pintig ng iyong puso ang karelasyon mo. Isa itong paraan ng pagsasabi ng “mahal ko” o “darling ko.”
- Kruzynko (Poland)
Pagsasalin: Breadcrumb
Tulad sa Italy, Germany, at France, ang lahat ng bagay (at tao) na maliit at bilog ay sweet at kaibig-ibig sa Poland.
- Buah hatiku (Indonesia)
Pagsasalin: Prutas ng puso ko
Huli ng Indonesian na katagang ito ang tamis ng pag-ibig, at mas madalas itong magamit para ipahayag ang pagmamahal sa mga anak o kapamilya kaysa sa mga karelasyon.
- Poepie (Netherlands)
Pagsasalin: Maliit na tae
Kung sinusubukan mong pahangain ang iyong kabiyak ngayong Valentine’s Day, inirerekomenda naming gamitin ang alinman sa naunang siyam na salita ng paglalambing sa itaas. Pero, kung sakaling nasa Netherlands ka sa Pebrero 14, tandaan mong hindi nakakahiya kung tatawagin kang “maliit na tae.” Sa katunayan, napakakaraniwan nitong kataga para maipakita ang pagmamahal sa mga bata at sa karelasyon.
Bagama’t sapat na minsan ang sugar pie o honey bunch para sa paglalambingan, may ilang katagang mas romantiko kung sasabihin sa ibang wika. Dahil may mga bago ka nang baon na pet name ngayong Valentine’s Day, ang kulang mo na lang ay isang kahon ng tsokolate at isang bote ng wine.