Nakatanggap ka na ba ng tawag mula sa isang “bangko” na inaapura kang mag-money transfer para bayaran ang mga overdue mong bill?
Mag-ingat, posibleng imposter scam ‘yan.
Ang imposter scam ay kapag may taong nagpapanggap na kaibigan, kapamilya, o mapagkakatiwalaang tao gaya ng empleyado ng utility company, IRS agent, o representative ng bangko para lokohin kang magpadala ng pera. Iba-iba ang anyo ng mga imposter scam, kaya mahalagang i-verify agad ang identity ng sinumang kokontak sa iyo para gumawa ng isang bagay.
May isang klase ng ganitong scam kung saan nagpapanggap ang impostor na representative mula sa isang mapagkakatiwalaang brand na kokontak sa iyo sa pamamagitan ng phone, email, text message, o social media. Puwedeng subukan ng manloloko na kumbinsihin kang magtrabaho para sa brand (minsan, bilang “mystery shopper”, “shipping clerk”, o sa payroll), o puwede ka niyang kumbinsihing magbigay ng access sa mga sensitibong impormasyon gaya ng credit card number mo o iba pang detalye.
Minsan, sasabihin ng impostor na isa siyang IRS agent na kumokontak sa iyo dahil sa mga overdue na tax, o representative mula sa isang utility company na nagsasabing may overdue kang dapat bayaran. Minsan naman, nagpapanggap ang scammer na customer care representative mula sa isang bangko o iba pang kumpanya na kumokontak sa iyo dahil sa mga “security issue” o para sa balanse ng account mo.
Nagpapanggap din ang mga scammer na kapamilya o kaibigan na nagsasabing nasa isa siyang emergency at kailangan niya ng agaran mong tulong. Ang mas nakakalito pa, kadalasan ay may access na sila sa ilan sa mga personal mong impormasyon, gaya ng lokasyon ng bangko mo o mga pangalan ng mga kapamilya mo – na ginagamit nila para gawing mas kapani-paniwala ang scam.
Narito ang talong pinakakaraniwang senyales ng imposter scam na dapat bantayan:
- Pagmamadali: Puwede kang i-pressure ng isang taong hindi mo kilala (o kahit ng isang taong nagsasabing kaibigan o kapamilya mo) na kumilos kaagad nang hindi ka binibigyan ng panahon para i-verify kung totoo ang sitwasyon.
- Pagbabanta: Puwede kang pagbantaan na puputulan ka ng serbisyo, sususpindihin o isasara ang account mo, idedemanda ka, aarestuhin ka, o iba pang seryosong consequence kung hindi ka agad kikilos.
- Paglilihim: Kadalasan, kukumbinsihin ka ng mga scammer na huwag sabihin sa iba kung ano ang nangyayari. Bagama’t posibleng kapani-paniwala ang mga ibibigay nilang dahilan, ang totoo ay ayaw nilang i-verify mo ang sitwasyon.
Para mautakan ang mga scammer na ito sa panloloko nila, tandaan ang mga tip na ito:
- Huwag magmadali: Huminga nang malalim at iwasang mag-apura – anuman ang sabihin niya sa iyo.
- Mag-verify: Kung sinasabi niya na kaibigan o kapamilya mo siya, kumpirmahin muna agad sa ibang kapamilya ang sitwasyon. Kung sinasabi niya na representative siya ng isang organisasyon (gaya ng pamahalaan, bangko mo, o isang utility company), ibaba agad ang tawag at i-verify ang sitwasyon gamit ang contact method na nasa opisyal na website ng organisasyon.
- Huwag mag-click sa mga hindi kilalang link: Ipinadala man ang mga ito sa pamamagitan ng text, email, social media, o anupamang channel, HUWAG mag-click sa mga hindi kilalang link o mag-download ng mga attachment na ipinadala mula sa mga hindi verified na source.
- Tingnan ang mga website URL: Kadalasan, nagpapadala ang mga scammer ng mga email mula sa mga URL na mukhang mula sa malalaking kumpanya, gaya ng Amazon, Microsoft, o FedEx, pero kung titingnang mabuti, medyo iba ito kumpara sa totoong URL.
- Pansinin ang mga pagkakamali Magbasa nang mabuti, baka may senyales ng panloloko kahit sa mismong email subject! Posibleng mayroon itong mga pagkakamali gaya ng mga maling spelling, maling grammar, o mga kakaibang logo at formatting.
- I-report ito:Kung may pinaghihinalaan kang scam, sabihan ang mga lokal mong awtoridad. Sa pamamagitan ng pagbabahagi sa scam story mo, makakatulong ito sa mga imbestigador na maisara ang mga kaso ng panloloko at makakatulong ito sa iba para hindi sila ma-scam.
Mas matalino at mas ligtas tayo kung magtutulungan.
Tandaan, huwag matakot na humindi at ibaba ang telepono para magkaroon ka ng panahon i-verify ang sitwasyon. Kung hindi maganda ang kutob mo, malamang na tama ka!