Money Mules: Huwag Magpaloko!

Tips By Western Union May 28, 2024

May kaibigan ka bang “nangangailangan” at inaapura kang mag-money transfer para sa kanya? May nakita ka na bang ad na nangangako ng easy cash nang walang kahirap-hirap? Posibleng senyales ang mga ito ng money mule scam.

Ano ang money mule?

Isa itong tao na nalokong magpadala ng pera para sa mga kriminal. Ang akala nila ay may tinutulungan lang silang kaibigan na nangangailangan o may nakuha silang magandang side line, pero ang totoo, tinutulungan nila ang mga kriminal na magsagawa ng money laundering mula sa mga ilegal na aktibidad.

Sa mga ganitong pagkakataon, puwedeng magpanggap ang mga manloloko bilang malapit na kaibigan o kamag-anak na gipit sa pera. Nakakaengganyo ang mga peke nilang kuwento at kadalasan ay nanggagaya sila ng taong may kapangyarihan gaya ng pulis, abogado, doktor, o iba pang kapani-paniwalang awtoridad.

Manatiling alerto at iwasang tumanggap ng pera sa bank account mo at mag-transfer nito sa isang third party. Maraming tao ang gustong tumulong dahil ang paniwala nila ay nangangailangan ang kanilang kaibigan, o nakakita sila ng maginhawang part-time job na regular na magbabayad ng maliit na komisyon. Siyembre, hindi legal ang mga ganitong sitwasyon. Mga money mule recruitment ito na pumupuntirya sa mga inosenteng tao. Kriminal na gawain ang sinusuportahan nito at ginagawa nitong mas mahirap matunton ang mga ilegal na pera.

Mga money mule red flag na dapat bantayan:

Pag-aapura: May taong hindi mo masyado kilala na MINAMADALI kang maglipat ng pera dahil sa isang pekeng emergency.

Cash kapalit ng mga transfer: May hindi ka kakilala na gustong gumamit ng account mo para mag-transfer ng pera kapalit ng cash (may kasamang “komisyon” dahil sa “tulong” mo).

Mga “easy money” na trabaho: Malaking senyales ng scam ang mga online ad posting na nag-o-offer ng limpak-limpak na salapi para sa mga simpleng gawain.

Mga “friend” request: May isang social media “friend” na makikisuyo sa iyo na maglipat ng pera.

Mga holiday “opportunity”: Maituturing na trap ang mga online offer na nangangako ng mabilisang cash para sa holidays.

Pagshe-share ng personal info: Huwag kailanman ibigay ang mga pinansyal mong detalye, gaya ng tax ID o mga detalye ng bangko, kahit sa mga online “friend” o karelasyon.

Paano ito haharapin:

Huwag magmadali: Maging kalmado at huminga nang malalim. I-verify ang mga emergency nang direkta sa mga kaibigan o kapamilya.

I-report ito: Kung may pinaghihinalaan kang scam, sabihan ang bangko mo at ang mga lokal na awtoridad.

Ipalaganap ang kaalaman: I-share ang mga money mule story mo para tulungan ang iba na maiwasang ma-scam.

Mas matalino at mas ligtas tayo kung magtutulungan.

Tandaan, huwag matakot na humindi. Kung hindi maganda ang kutob mo, malamang na tama ka. Manatiling nakakaalam at manatiling ligtas.

Gusto mo bang alamin ang higit pa tungkol sa mga scam?

Bisitahin ang aming page.