Iwasan ang mga web scam na ito kapag nag-o-online shopping

Tips By Aparna Iyer August 13, 2024

Masaya at convenient ang online shopping. Nagbukas ito ng maraming oportunidad sa mundo, dito mo mahahanap ang pinakamagagandang deal na gusto mong bilhin. Hindi lang ito maganda sa shopping, maganda rin ito sa pagbebenta ng mga bagay na hindi mo na kailangan, o sa direktang pagbili sa isang seller (bago o second-hand).

Ang problema, hindi lahat dito ay honest. Kaya mahalagang maging #BeFraudSmart kapag nag-o-online shopping. Pagdating sa mga online scam, mahalagang tingnan ang maliliit na detalye. Kung alam na alam mo na ito, madali mong matutukoy, maiiwasan, at mauutakan ang mga scammer.

Baka nagtataka ka kung “Paano tumukoy ng scam?”, ang unang hakbang ay ang pag-alam na hindi pare-pareho ang mga internet scam. At para ganap na mapakinabangan ang experience na dala ng online shopping, tandaan na maging mapagbantay sa mga senyales na ito:

Website design, mga impormasyon at mga presyo

Kung pangit ang disenyo ng mga website, kung paulit-ulit/kulang ang mga impormasyon ng produkto, o parang too good to be true ang pagiging mura ng mga presyo, mga una itong palatandaan na kailangang mag-ingat kapag namimili online.

Kapag nag-browse ka ng merchant website na hindi mo pa narinig o first time mong makita, pinakamaganda kung magre-research ka muna. Pumunta sa Google o sa anumang mapagkakatiwalaang search engine at maghanap ng mga review tungkol sa website o seller. Kung walang review ang isang site o kung pangit ang karamihan sa mga review, palatandaan ito na dapat kang umiwas: HUWAG bumili sa site o seller na iyon.

Tip: Tingnan ang URL, palaging may HTTPS sa umpisa ng mga mapagkakatiwalaan at secure na website, hindi lang basta HTTP.

Mga kakaibang payment method

Bago ka bumili online, PALAGING tingnan ang mga payment method na ginagamit ng website o seller na pagbibilhan mo. Kung kahina-hinala o hindi kilala ang payment gateway na ito, huwag magbayad gamit ito.

Ang isa sa mga karaniwang scam scenario ay kapag nagbayad ang isang “buyer” para sa isang produkto gamit ang isang pekeng tseke na naglalaman ng halagang lampas sa selling price na inilista ng seller. Pagkatapos, sasabihan ng “buyer” ang seller na i-wire transfer ang sobrang halaga. Ang masaklap, tatalbog ang pekeng tseke, makukuha ng “buyer” ang wire transfer.

Ang isa pang scenario ay kapag hindi tumatanggap ang “seller” ng mga credit card o tseke, at money transfer lang ang tinatanggap niya. May ilang “seller” din na pinipilit ang mga buyer na magbayad agad. Kapag nangyari ang mga scenario na ito, mag-isip muna bago magbayad. Dahil ilan lang ito sa mga karaniwang palusot para manakaw ang pinaghirapan mong pera.

Tip: HUWAG kailanman ilagay ang mga personal mong detalye sa isang form o website na hindi nakakasuporta sa mga secure na transfer method. PALAGING tingnan ang resibo mo kapag nagbabayad para sa isang produkto.

Naglipana ang mga scammer, pero kaya mong protektahan ang pinaghirapan mong pera sa pamamagitan ng pagsunod sa mga #BeFraudSmart tip na ito para mautakan sila, online at offline:

  1. I-enable ang two-factor authentication sa mga account mo. Para hindi agad ma-access ng mga scammer ang mga personal mong detalye.
  2. Panatilihing ligtas ang personal at pribado mong impormasyon.
  3. HUWAG kailanman magpadala ng pera sa isang taong hindi mo pa nakikilala nang personal.
  4. Iwasang mag-click sa mga pop-up ad, dumidirekta ang mga ito minsan sa mga kahina-hinalang website.
  5. Mag-log out sa mga account kapag gumagamit ng mga public computer o kapag may ibang gumagamit sa computer.
  6. I-double check ang mga link bago mo buksan ang mga ito. Puwede kang mag-hover sa ibabaw ng link para tingnan ang buong URL o address.

Manatiling mapagbantay, at patuloy na ma-experience ang convenience ng online shopping mula sa kahit saan!