Maging Mapagbantay Bago Umupa: Paano Makakaiwas sa Mga Rental Scam

Tips By April Payne July 19, 2021

Naghahanap ka man ng apartment sa labas ng campus, lilipat ng lungsod, o nagpaplano lang na maiba ang paligid sa pamamagitan ng pagtira sa ibang lugar, maging mapagbantay sa mga red flag na senyales ng rental scam.

 

Ganito nangyayari ang scam

May scam artist na hahanap ng listing ng bakanteng real estate o isang napakagandang property na may nakatira nang iba. Pagkatapos, ia-advertise ng scammer ang rental property — isang apartment, bahay, o kuwarto — online, madalas sa isang libreng classified website.

 

Ang talagang kakaiba sa kanyang listing ay kadalasan, iniaalok ito sa sobrang murang halaga. Talagang mas mura ito kumpara sa mga property sa lugar, na mukhang hindi makatuwiran kung nasa isa kang competitive na market. Magaganda ang litrato at posibleng kasama pa nga sa listing ang isang larawan ng floor plan para mas makita mo ang magiging hitsura ng bahay.

 

Madalas, iaalok ng listing ang lahat ng amenity na hinahanap mo. Bagong hardwood floors? Check. Mga quartz countertop? Check. Isang magandang bahay na may malawak na bakuran at ang landlord ang bahala sa pagtatabas ng damo at pag-aalis ng snow? Check. O baka naman, isang high-rise apartment building sa gitna ng siyudad na may rooftop pool pa? Check lahat.

 

Mukhang lehitimo lahat — walang maling spelling, maling grammar, o anumang bagay na magbibigay ng dahilan sa iyo para pagdudahan ang ad.

 

Syempre, interesado ka sa property, kaya makikipag-ugnayan ka sa taong nag-post ng ad para sabihing gusto mo ang listing. Puwede kang makatanggap ng magiliw na sagot gaya ng “Gusto ko sanang ipakita sa iyo ang lugar; kaya nga lang, pag-aari ng nanay kong may sakit ang lugar at tinutulungan ko siyang lumipat sa bahay ko sa malayo, kaya hindi ko sa iyo maipapakita ang unit.” Red flag ito, dahil handa ang isang lehitimong landlord o property manager na magpapunta ng ibang tao para makipagkita sa iyo at ipakita ang loob ng property.

Ang isa pang red flag ay ang paninigurado niya na may pondo kang available para sa renta bago niya ipakita ang property. Kung gusto ng landlord ang isang mas mataas na security deposit kaysa sa karaniwan, o kung mukhang sobra ang hinihinging advanced na bayad, puwedeng senyales ito ng rental scam.

 

Kadalasan, gusto ng mga lehitimong landlord na malaman ang iyong credit score, o kaya ay magsasagawa sila ng criminal background check at beripikasyon sa trabaho. Kung hindi interesado ang isang landlord sa anumang anyo ng pag-screen sa tenant o kung mukhang masyado siyang sabik na makipag-usap sa iyo tungkol sa renta at iba pang tuntunin sa upa, magdalawang-isip ka na.

Pinupuntirya rin ng mga scam artist ang mga traveler na naghahanap ng mga rental para sa bakasyon, mga estudyanteng naghahanap ng matitirahan sa labas ng campus, o maging mga militar na madalas mag-relocate.

Mukhang kamangha-mangha ang mga litrato, mga amenity, at presyo. Sa tingin mo ba ay masyadong maganda ang rental na ito para maging totoo? Iyon ay dahil malamang na hindi nga ito totoo. Huwag hayaang i-pressure ka ng isang scammer para magpadala ng pera para mapa-reserve ang “perpektong” bahay na ito.

 

Ang puwede mong gawin

Magsaliksik ka. Siyasatin ang kumpanyang naglista ng property para sa renta. Kung indibidwal ang kausap, tiyaking siya talaga ang may-ari ng property. Kadalasan, nangunguha ang mga scammer ng mga impormasyon mula sa mga listing ng real estate para makagawa ng mga mapanlokong listing ng rental. Kung lilipat ka ng lungsod, magpadala ng kaibigan para daanan ang rental. Madalas na pinupuntirya ng mga scammer ang mga taong lumilipat ng lungsod at naglilista sila ng mga unit na posible pa ngang walang tunay na address.

Walang anumang puwedeng dahilan para magpadala ng pera nang hindi tinitingnan ang rental o nang hindi nag-uusap nang personal, lalo na kung ang request ay para sa money transfer.

 

Anuman ang sitwasyon mo, tandaan ang mga tip na ito:

  • Huwag kailanman magbayad ng property na nakita mo sa isang post sa classified sa pamamagitan ng money transfer.
  • Umiwas sa anumang listing na namimilit o nag-uutos sa iyo na kumilos kaagad.
  • Maging mapagbantay sa mga sulat o advertisement na hindi maayos ang pagkakasulat at naglalaman ng mga maling spelling, maling wika, o kakaibang formatting.
  • Huwag kailanman magbigay ng impormasyong nagbibigay ng personal na pagkakakilanlan sa isang hindi kilalang indibidwal o entity, lalo na sa mga taong sa email lang sumasagot.
  • Huwag kailanman magpadala ng pera sa taong hindi mo pa nakikilala nang personal.
  • Kung lilipat ka ng lungsod at kailangan mong magrenta ng lugar na hindi pa nakikita, sabihan ang isang kaibigan o kasamahan na pasyalan ang rental property para sa iyo bago ka magpadala ng anumang pera.

Makikita ang higit pang impormasyon tungkol sa mga scam at kung paano poprotektahan ang sarili sa Western Union Consumer Protection Center: www.wu.com/fraudawareness.