Lahat tayo, nangangarap manalo sa lotto, pero basahin mo muna ito bago ka mag-imagine ng magiging mansyon mo. Target ng mga scammer ang mga nangangarap manalo sa lotto at sweepstakes, kaya pag-usapan natin kung paano kikilalanin ang mga peke at kung paano poprotektahan ang pinansya mo.
Magsimula tayo sa pamamagitan ng pag-alam kung ano ang mga lottery at sweepstakes scam, at ang mga red flag na dapat mong bantayan.
Ano ang mga lottery at sweepstakes scam?
Magkahalintulad ang mga lotto at sweepstakes, isa itong contest kung saan puwede kang manalo ng premyo, kadalasan ay pera.
Pero sa pangkalahatan, pamahalaan o mga charitable organization ang nagpapatakbo ng mga lotto, habang ang sweepstakes naman ay pinapatakbo ng mga negosyong pino-promote ang sarili nito. Kadalasan, kailangan mong magbayad bago sumali sa lotto, gaya ng pagbili ng ticket. Puwedeng libre ang pagsali sa sweepstakes, pero minsan, may kailangan kang bilhing produkto para makasali.
Sa dalawang ito, may taglay ka dapat na swerte dahil pinipili ang mga mananalo nang random sa mga patas at legal na contest.
Lolokohin ka ng mga scammer sa pamamagitan ng pang-uuto sa iyo na nanalo ka ng malaking premyo sa isang pekeng contest. Kadalasan, hihingian ka ng mga scammer ng pera, personal na impormasyon, at iba pang mahahalagang bagay, sa pagsasabing kailangan ito para matanggap ang premyo mo.
Paano mo mauutakan ang mga scammer?
Mag-verify, Mag-verify, Mag-verify. Maging mapagbantay, magbasa muna bago ka magpadala ng pera o magbigay ng anumang personal na impormasyon.
May ilang pangunahing senyales na dapat bantayan para maging #BeFraudSmart at matukoy kung target ka ng lottery o sweepstakes scam. Kapag may natanggap kang anumang notification na nanalo ka sa lotto o sweepstakes, basahin itong mabuti. Makakatulong ito sa iyo na matukoy ang mga red flag at protektahan ang sarili laban sa panloloko.
Pinakamahalaga sa lahat, bantayan ang mga red flag na ito sa lotto at sweepstakes:
Red flag #1: Hindi ka kailanman bumili ng ticket sa lotto o sumali sa sweepstakes
Para manalo sa lotto o sweepstakes, sumali ka muna dapat! Ipinapakita ng mga lehitimong lotto at sweepstakes ang lahat ng terms and conditions para manalo. Isa pa, kapag bumili ka ng ticket sa lotto, kadalasan ay kailangan mong tumingin ng mga local report para malaman ang winning numbers dahil hindi ka kokontakin ng lottery agency.
Kadalasan, hindi mo ibibigay sa mga nagtitinda ng lotto ticket ang email address mo o iba mo pang contact information. Kapag sumali ka sa sweepstakes, malamang na maaalala mong sumali ka. Kung makakatanggap ka ng direct mail o email tungkol sa isang international lottery mula sa isang bansang hindi mo pa napuntahan, siguradong senyales ‘yan ng scam.
Red flag #2: Humihingi ng paunang bayad para matanggap ang premyo mo
Ang isa sa mga pinakakaraniwang red flag para sa mga lottery scam ay kapag sinabihan ka ng scammer na may dapat ka munang bayaran para ma-release ang napanalunan mo. Puwede nila itong tawaging buwis, bayad sa customs, shipping o service fee, o hindi tukoy na “withholding.” Kadalasan, papabayaran nila ito sa iyo sa pamamagitan ng wire transfer, agarang money transfer service gaya ng Western Union, Bitcoin ATM, o gamit ang mga prepaid gift at debit card.
Hindi manghihingi ng pera ang mga lehitimong sweepstakes at lotto para matanggap mo ang premyo mo. Hindi ka rin nila sasabihang magpadala ng pera gamit ang mga transfer method na para sa mga taong lubos na magkakilala. Binibigyang-daan ng Western Union at iba pang money transfer service ang mga tao na magpadala ng pera sa mabilis at madaling paraan sa mga taong kakilala at pinagkakatiwalaan nila. Kadalasan, kakaltasin sa premyo mo ang mga buwis para sa mga lehitimong napanalunan sa sweepstakes. Hindi mo kailangang magpadala ng paunang bayad para manalo sa isang lehitimong contest.
Red flag #3: Pangkalahatang impormasyon ang gamit
Kapag sumali ka sa sweepstakes, kadalasan ay ibinibigay mo ang buo mong pangalan, mailing address, email address, at phone number. Kung ang tawag sa iyo sa email o sa sulat ay “sir,” “madam,” o anupamang hindi mo pangalan, mag-ingat! Sa lehitimong sweepstakes na sinalihan mo, kilala ka dapat nila.
Bukod pa rito, kung sasabihin nila na sila ay isang major lottery, ahensya ng pamahalaan, o kumpanya, pero gumagamit naman sila ng free email, senyales ito ng scammer.
Red flag #4: Hindi inaasahan o kaduda-dudang mga tseke na ipinadala sa iyo
Kung may matanggap kang tseke sa mail na hindi mo naman hiningi o kaduda-duda, lalo na kung malaki ang halaga, mag-ingat. Bagama’t maraming lehitimong lotto o sweepstakes ang nagbabayad ng panalo sa pamamagitan ng tseke, kadalasan ay magkakaroon ka muna ng mga opisyal na interaksyon sa kumpanya o agency bago ka makatanggap ng tseke. Ang kadalasang ginagawa ng mga kriminal na nanloloko sa pamamagitan ng mga pekeng tseke ay sasabihan ka nilang bumawas ng malaking halaga mula sa tseke para i-forward sa isang third party pagkatapos mo itong ideposito. Muli, puwedeng sabihin ng scammer na para ito sa buwis o singil.
‘Yun nga lang, peke ang tseke. Tandaan, hindi ibig sabihing na-clear ng bangko mo ang isang tseke at available na ang pondo ay na-clear na talaga ito! Kadalasan, umaabot nang 10-14 na araw ang pag-clear ng tseke, at kapag tumalbog ang tseke, sa iyo kakaltasin ang halaga ng tseke at ang perang ipinadala mo sa scammer o sa kanyang mga agent.
Red flag #5: Inaapura ka
Ayaw kang bigyan ng mga scammer ng oras na pag-isipan ang kanilang mga offer at tukuyin kung totoo ba sila o hindi. Sa tunay na lotto o sweepstakes, hihintayin ka nilang i-claim ang premyo mo. Kung may deadline sa pag-claim ng premyo, pampubliko itong ipapakita sa mga material noong sumali ka. Kadalasan, may ilang buwan o taon ang mga tao bago makapag-claim ng panalo sa lotto. Pero sa mga scammer, aapurahin ka nilang magbigay ng pribadong impormasyon o identification, gaya ng kopya ng passport mo at mga detalye ng credit card mo, kadalasan gamit ang isang hindi secure na email o message. Mamadaliin ka nilang mag-money transfer o pumunta sa cryptocurrency ATM para padalhan sila ng pondo.
Walang hinihinging anumang bayad ang mga lotto agency at sweepstakes company, at hindi ka nila kailanman sasabihang mag-money transfer. Isa itong pagtatangkang i-pressure ka na ibigay sa mga scammer ang gusto nila nang hindi ka binibigyan ng panahong mag-isip tungkol sa pagiging lehitimo ng lotto o sweepstakes na pino-promote nila.
Marami sa mga scam sa lotto ay ipinapadala sa email o direct mail, pero gumagamit din ng iba’t ibang taktika ang mga scammer para maabot ka. Narito ang pitong pinakakaraniwang uri ng pakikipag-ugnayang ginagamit sa mga sweepstakes scam.
1. Email phishing
Sa paraang ito, makakatanggap ka ng hindi inaasahang email na nagsasabing nanalo ka sa lotto. Kadalasan, magpapanggap ang email na isang ahensya ng pamahalaan, kilalang kumpanya, o sweepstakes agency. Puwede itong mag-imbento ng pangalan gaya ng “National Lottery Winning Agency.”
2. Mga direktang mail
May ilang scammer na nagpapadala ng mga aktwal na liham sa bahay mo, na naglalaman ng mga pinekeng logo at lagda, para magmukhang mas lehitimo kaysa sa mga solicitation sa email. Minsan pa nga, may mga laman itong tseke na akala mo ay totoo pero peke talaga.
3. Mga social media message
Puwede kang padalhan ng mga scammer ng mga direct message sa Facebook, X, Instagram, TikTok, o iba pang social media account. Puwede silang sumagot sa mga post sa YouTube na nagpapanggap bilang mga creator para sabihan ka na nanalo ka ng giveaway. Muli, susubukan nila agad na hingian ka ng pera o pribadong pinansyal na impormasyon.
4. Mga pekeng social media profile
Puwede ring mag-imbento ang mga scammer ng mga pekeng profile o mang-hack ng mga lehitimong profile sa malalaking social media website, video hosting website, at mga katulad na website para gayahin ang mga totoong lotto o sweepstakes. Puwede silang manggaya ng mga content creator na nagpapa-giveaway. Maging mapagbantay sa mga profile na biglang naiiba ang mga pino-post na content, o may bilang ng mga follower na masyadong kaunti kumpara sa lehitimong site.
5. Mga tawag sa telepono
Mga tawag pa rin sa telepono ang ilan sa mga pinakakaraniwang tool na ginagamit ng mga scammer. Puwede kang makatanggap ng tawag mula sa isang taong nagre-represent ng lotto o sweepstakes. Mamadaliin ka niyang mag-transfer o mag-wire ng pera sa kanya, bumili ng mga gift card, o magpunta sa Bitcoin ATM para padalhan siya ng bayad para ma-release ang napanalunan mo. Susubukan ka niyang hindi pakawalan sa linya, idi-discourage ka niyang kausapin ang mga kapamilya mo o mga empleyado sa bangko, at aapurahin ka niyang kumilos. Sa mga lehitimong lotto, palagi ka nilang papayagang tumawag ulit sa ibang pagkakataon.
6. Mga SMS, text, o WhatsApp message
Puwede kang makatanggap ng mga SMS o WhatsApp message mula sa mga scammer na nagsasabing nanalo ka ng lotto at kailangan mong magsagot ng form sa isang website. Kadalasan, isa itong pekeng phishing website na gustong mangalap ng personal na impormasyon mula sa iyo. Dahil nanggagaya ito ng ibang website, puwede itong manghingi ng mga login at password mo sa iyong email o social media, o sa iyong online banking o PayPal account.
7. Mga website pop-up ad
Mag-ingat sa mga mapanirang ad na puwedeng makapasok sa ad network para ma-redirect ka sa isang phishing site. May ibang website na na-set up para i-announce na “nanalo ka” dahil sa pagbisita mo sa website, pagkatapos ay hihingian ka ng pera, pabibilhin ka ng kung ano, o kukunan ka ng personal na impormasyon. Hindi ka mananalo sa sweepstakes sa pamamagitan ng pop-up ad.
Tandaan, HUWAG kailanman mag-money transfer sa isang taong hindi mo kilala o hindi po na nakita nang personal. Ito ang ilan sa mga pinakakaraniwang babalang senyales ng mga lottery scam pati na ang mga pinakamadalas na paraan ng pakikipag-ugnayang ginagamit ng mga sweepstakes scammer.
Alamin pa ang tungkol sa iba’t ibang uri ng mga scam at kung paano iiwasan ang mga ito.
Kontakin ang Fraud Hotline ng Western Union sa bansa mo sa aming website o bisitahin ang lokal mong Western Union office para mag-report ng scam. Maging mas matalino at mas ligtas tayo sa pamamagitan ng pagtutulungan.