Sa loob ng dalawang taon, nagkubli ang isang ina at ang kanyang anak sa loob ng madilim nilang bahay, at lumalabas lang sila kapag talagang kailangan. At delikado ang bawat paglabas nila. Nagliliparan ang mga eroplano sa himpapawid, nagbabagsakan ang mga bomba at missile, at namamaril ang mga sniper mula sa mga abandonadong gusali habang tumatakas papalayo ang mga tao, nilalampasan ang mga guho kung saan dating nakatayo ang mga bahay, paaralan, opisina, at tindahan.
Ang susunod na kwento, na isinulat para sa International Rescue Committee (IRC) ng freelance writer at IRC volunteer na si Anita Hutner, ay nagbibigay ng detalyadong pagsasalaysay ng isang pamilya mula sa Syria na nakatira na ngayon sa Estados Unidos. Muling na-publish ang kwentong ito nang may pahintulot mula sa International Rescue Committee, isa sa mga NGO na tinutulungan ng Western Union Foundation*.
May disenteng tahanan sina Assad at Sabah sa Aleppo, Syria, kung saan sila nakatira kasama ang kanilang anim na anak, kabilang ang isang batang may autism. Masigla ang kanilang komunidad, na kinabibilangan ng maraming kapamilya at kaibigan. “Normal ang buhay namin dati, isang ligtas na lugar iyon,” sabi ni Assad. “Nasa iisang komunidad ang aming mga magulang, tiyahin, tiyuhin, at pinsan. Suportado namin ang bawat isa,” dagdag ni Sabah. “Masaya kami dati sa Aleppo,” sabi niya. “Dati, hindi ko inakalang maninirahan ako sa ibang lugar. Ito ang naging tahanan ko.” Noong 2011, nabago ang kanilang mapayapa, ligtas, at masayang buhay.
“Noong simula ng giyera, hindi naman ito masyado masama. May ilang labanan at kaguluhan, pero medyo normal pa rin naman ang buhay,” sabi ni Sabah. Umalis si Assad patungong Turkey sa loob ng ilang buwan para magtrabaho kasama ng kanyang kapatid na matagal nang nasa bansang iyon. Kinausap niya si Sabah na sumama, ngunit ayaw niyang umalis. Ayaw niyang iwan ang kanyang bahay, ang kanyang pamilya o mga kaibigan, at tiniyak niya kay Assad na magiging ayos lang ang lahat. Akala niya ay hindi magtatagal ang kaguluhan at babalik sa dati ang lahat. Sa kasamaang-palad, hindi ito ang nangyari.
“Habang lumilipas ang mga buwan, pasama nang pasama ang sitwasyon. Parami na nang parami ang mga pinapaslang. Pagkatapos, dumating ang mga eroplanong may dalang mga bomba, pinulbos nila nang buo ang mga bloke at gusaling tirahang puno ng mga pamilya sa loob,” dagdag niya habang tumutulo ang mga luha. “Isang araw, pinabili ko ang isa kong anak ng tinapay sa panaderya. Isa sa mga kapitbahay ko ang tumakbo papunta sa akin at nagsabing nabomba ang panaderya. Tumakbo ako papalabas habang umiiyak, at pagtingin ko sa malayo, papunta na sa akin ang aking anak.” Kasabay ito ng panahong nalaman niyang ipinagbubuntis niya ang pampito niyang anak.
Takot si Sabah. Kapag narinig niya ang tunog ng mga eroplano at missile, iipunin niya ang lahat ng anim niyang anak at magtatago sila sa banyo. Walang kuryente. Madilim. Pahirap na nang pahirap ang pamumuhay araw-araw. At papatindi na nang papatindi ang stress. Nagmamadaling umuwi si Assad, pursigido siyang dalhin ang kanyang pamilya sa Turkey. Samantala, nagmamakaawa ang mga magulang ni Sabah, na nakatira pa rin sa Aleppo, na manatili sila. Dahil papahirap na nang papahirap ang mga bagay-bagay, at dahil buntis siya, naisip ni Sabah na panahon na para umalis.
Bagama't maraming tao ang nagpunta sa Turkey nang walang dokumentasyon, gustong matiyak ni Assad na hawak ng kanyang pamilya ang mga tamang papeles at pasaporte—isang desisyong magiging kapaki-pakinabang sa hinaharap. Naging matagal ang proseso at naging napakadelikado ng pagpapabalik-balik sa mga tanggapan ng gobyerno. Iniwasan nila ni Sabah ang mga sniper bullet at bomba habang kinakalap ang mga dokumentasyon. At sa bawat paglabas nila, hindi nila sigurado kung makakauwi pa sila.
“Alam ko sa puso na kailangan naming makalabas para sa aming mga anak, pero napakahirap iwan ng aking mga magulang at iba pang kapamilya,” paliwanag ni Sabah habang lumuluha. “Bagama't mahirap umalis, hindi kami makapanatili. Hindi ito ang paraan para mabuhay,” sabi ni Assad. “Gusto naming magkaroon ng kinabukasan ang aming mga anak, para lumaki sila nang hindi natatakot na mamatay o mawalan ng tirahan.”
Noong 2014, dala-dala ang kanilang mga pasaporte, umalis na ang pamilya papuntang Turkey. Nanirahan sila sa bahay ng kapatid ni Assad at ng kanyang pamilya sa loob ng maikling panahon, pagkatapos ay lumipat sa isang bahay kung saan ipinanganak ang sanggol. Mahirap ang buhay. At bagama't may access sa edukasyon ang mga rehistradong Syrian refugee, humarap sa maraming balakid ang pamilya, tulad ng karamihan. Hindi nila alam ang wika at natanggal si Assad sa dati niyang trabaho bago umuwi galing Turkey. Noong panahong iyon, hindi nagbibigay ang Turkey ng mga work permit sa mga Syrian refugee, kaya napilitan si Assad at ang mga nakakatanda niyang anak na magtrabaho para suportahan ang pamilya. Para sa mga mas bata niyang anak, at sa anak niyang may autism, masyadong mahal ang pag-aaral para makayanan ng pamilya.
At bagama't hindi naging madali ang sitwasyon, maraming tao sa lokal na komunidad ang lumapit para mag-alok ng tulong. “May nakilala akong babaeng nagsasalita ng Arabic at nilagyan niya ng mga kagamitan ang aming kusina,” sabi ni Sabah. “May iba na tumulong na linisin ang bahay at may nagdala ng crib at mga damit para sa sanggol,” pagpapatuloy niya. “Hindi ito isang pinlanong gawain. Mga tao lang sila mula sa komunidad na nagsama-sama para tumulong. Maraming taong may magagandang loob sa lahat ng lugar, at binigyan kami nito ng pag-asa para sa hinaharap kahit na naging mahirap ang buhay para sa amin.”
Pagkatapos magparehistro sa United Nations (UN), at sa isang Turkish na organisasyong sumusubok na tumulong na maipagamot ang kanilang autistic na anak, nakipag-ugnayan sa pamilya ang International Catholic Migration Commission (ICMC), isang organisasyong nagpoproseso ng mga aplikasyon ng mga refugee na na-refer ng UN. Sumailalim sila sa isang mabusising proseso ng interview at pangangalap ng mga dokumento na tumagal nang lampas isang taon bago makumpleto. Pagkatapos, dalawang buwan matapos ang proseso, sinabihan ang pamilyang pupunta sila sa US.
Noong Enero 19, 2017, ilang araw pagkatapos pagbawalan ng pamahalaan ng US ang pagpapapasok sa mga refugee at mamamayan mula sa Iran, Iraq, Libya, Somalia, Sudan, Syria, at Yemen, dumating ang pamilya sa Denver. Sa tulong ng International Rescue Committee (IRC) sa Denver, mabilis na nakapanirahan ang pamilya. Na-enroll ang mga bata sa paaralan, kabilang ang anak nilang may autism. Nagkaroon ng driver’s license si Assad at tinulungan siya ng IRC na magkaroon ng trabaho. Nagrenta sila ng bahay sa isang maayos na komunidad at binigyan sila ng sasakyan, salamat sa bago nilang kaibigan at landlord na si Steve. At bagama't natagalan sila bago makapag-adjust, tulad sa Turkey, nakahanap sila ng mabubuting taong naglaan ng panahon para tulungan silang simulan ang bago nilang buhay.
Ngayon, nakikita na ng pamilya ang US bilang kanilang tahanan. May bago at mas maganda nang trabaho si Assad, at kapag hindi siya nagtatrabaho, pumapasok siya sa mga klase sa English. Pangarap niyang maghanap-buhay bilang isang metal worker—ang kanyang specialty noong nasa Aleppo pa siya. Si Sabah ay isang part-time na stay-at-home na nanay. Kapag nasa paaralan ang mga bata, nag-aaral siyang manahi, at kaka-graduate niya lang sa second level na klase. Naging mas malapit sa katotohanan ang pangarap niyang maging isang mananahi at magkaroon ng sariling panahihan dahil muli kay Steve, na nakahanap na naman ng paraan para tumulong. Idinaan niya kamakailan ang isang makinang panahi na dating pagmamay-ari ng kanyang ina.
Noong una, mahirap para sa mga batang mag-adjust sa bagong kultura at wika. Pero ngayon, tahanan na ang turing nila sa Denver. “Magaling sa paaralan ang aming mga anak. Gusto ng isa naming anak na maging computer engineer, ang isa naman ay gustong maging pulis, at ang isa naman ay nangangarap maging musikero,” sabi ni Sabah habang nakangiti. “At pagkalipas ng siyam na buwan, ang anak naming may autism na hindi kailanman nakikipag-usap, ay nakakausap na namin sa wakas gamit ang mga flash card,” pagpapatuloy ni Assad. “Pagkatapos mapagdaanan ang napakaraming paghihirap, natutuwa kaming makitang nag-aaral at nagtatagumpay ang aming mga anak, nang may mga mithiin at pangarap para sa kinabukasan.”
“Bagama't kailangan naming magsimulang muli, nagpapasalamat kaming mabubuo naming muli ang aming mga buhay,” sabi ni Assad. “Ikinalulugod namin ang pagkakataong ibinigay sa amin, at alam naming magtatagumpay kami sa pamamagitan ng tiyaga at pasensya.”