Binisita ng Western Union Chief Executive Officer na si Hikmet Ersek, at ng Chief Compliance Officer at WU Foundation Board Chair na si Jacqueline Molnar ang Kiryandongo refugee settlement sa Uganda noong Disyembre para makita mismo ang gawain ng Whitaker Peace & Development Initiative (WPDI), isang benepisyaryo ng Western Union Foundation. Nagwakas ang pagbisita sa pagtatapos ng unang klase ng Trainers of Trainees (ToTs) ng WPDI, na mangunguna sa paghahatid sa iba pang kabataan sa settlement ng curriculum ng WPDI tungkol sa paghuhubog ng mga kakayahan at paglutas sa mga hindi pagkakaunawaan.
Ayon sa United Nations High Commissioner on Refugees (UNHCR), pinapasok ng Uganda ang ika-isang milyong refugee nito noong 2017. Ang karamihan sa kanila ay mula sa South Sudan, na kasalukuyang may giyera. Pinakapopular na destinasyon ang Uganda para sa mga refugee, dahil hindi tulad ng ibang mga bansa, inilalagay ng Uganda ang mga refugee nito sa mga settlement sa halip na sa mga tradisyonal na kampo, kaya nabibigyan sila ng isang maliit na lote para mapabiilis ang pagsanib nila sa komunidad. Sa kabila ng tulong na ito, maaaring maging mahirap pa rin sa mga bagong dating na masanay sa bagong bansa; iniulat ng UNHCR na 85% ng mga South Sudanese na refugee ay kababaihan at batang wala pang 18 taong gulang, at marami sa kanila ang hindi nakapag-aral na makakapaghanda sana sa kanila para magtrabaho.
Para tulungan ang mga refugee na magkaroon ng mga kasanayan at kaalamang kailangan nila para makilahok sa ekonomiya, nakipag-partner angWestern Union Foundation sa WPDI para dalhin ang Youth Peacemaker Network (YPN) program nito sa Kiryandongo. Kabilang sa curriculum ng YPN ang pagsasanay sa negosyo/entrepreneurship, mga kaalaman sa computer/teknikal na kasanayan, paglutas sa mga hindi pagkakaunawaan at pagpapanatili ng kapayapaan, at idinisenyo ito para makakuha ng trabaho at magandang kita, sa host na bansa man o sa bansang pinagmulan, kung gugustuhin nilang bumalik kapag mas ligtas na roon.
Sinalubong ni Forest Whitaker, ang Founder at CEO ng WPDI, ang delegasyon ng Western Union at Western Union Foundation. Ito na ang pangalawang pagbisita sa unang taon ng tatlong taong pagtutulungan sa pagitan ng Western Union Foundation at WPDI. Noong Nobyembre 2016, nagbigay ang Western Union Foundation ng halos USD $1.2 milyon sa WPDI para mapaganda ang pagkakataon ng 10,000 refugee sa settlement na magkaroon ng trabaho. Bahagi ito ng pangkalahatang pangako ng Western Union sa White House Call to Action on Refugees noong Setyembre 2016 na gamitin ang mga resource ng kumpanya para tulungan ang mga refugee na mas direktang makalahok sa pandaigdigang ekonomiya sa pamamagitan ng edukasyon, trabaho, at pinansyal na kakayahan.
Pagkadating ng delegasyon ng Western Union at Western Union Foundation, nakipagkita sila sa mga kinatawan ng WPDI para sa isang tour ng Kiryandongo settlement at bumiyahe sila papuntang Hope North, isang paaralan para sa mga dating batang mandirigma, at doon nila nakita ang mga graduate ng ToT na nagtuturo ng session para sa leadership at mentoring. Tinalakay nina Hikmet at Jacqueline ang kanilang mga karanasan at ipinaliwanag nila kung gaano kahalaga ang edukasyon sa kanilang tagumpay, para mahikayat ang mga bagong graduate na sulitin ang mga pagkakataong naibibigay ng edukasyong natanggap nila mula sa WPDI.
Binisita rin ng delegasyon ang Community Learning Center na pinopondohan ng Western Union Foundation at nakisaya sila sa mga ToT na nakapagtapos sa panimulang YPN program ng WPDI sa Kiryandongo. Nagtalumpati sina Hikmet at Jacqueline sa mga graduate at sa mga bisita nila, at pagkatapos maipamigay ang mga sertipiko, nag-perform ang grupo ng isang tradisyonal na sayaw ng Acholi.
Noong gabing iyon, nagkaroon ng espesyal na check presentation ceremony ang Western Union Foundation para sa Forest Whitaker para ianunsyo ang kontribusyon nitong USD $25,000 sa WPDI mula sa #IAmMore campaign ng Foundation, na nakatulong sa pagpapakalat ng kaalaman tungkol sa mga refugee at sa mga kalahok ng ToT program. Bilang isang espesyal na regalo, nagbigay rin ang delegasyon ng mahigit sa 50 bola ng soccer para magamit sa“Peace through Sports” program ng WPDI, na humihimok sa mga residenteng aregluhin ang kanilang mga hindi pagkakasunduan sa field sa halip na sa pamamagitan ng pag-aaway.
Ang kolaborasyon ng Western Union Foundation at WPDI ay nakakatulong na makapagligtas ng buhay at makapagsulong ng kapayapaan sa Kiryandongo Refugee Settlement. “Walang duda, ang graduating class ng mga ToT ng WPDI ang pinakakamangha-manghang grupo ng mga kabataang ikinalulugod kong makilala,” sabi ni Jacqueline pagkatapos ng pagbisita. “Sila talaga ang kinabukasan ng kapayapaan at pag-unlad sa rehiyon.”
Ang Western Union Foundation ay isang hiwalay na korporasyon para sa pagkakawanggawa na exempted sa buwis alinsunod sa §501(c)(3) ng United States Internal Revenue Code kung saan tax-deductible ang mga kontribusyon para sa mga pang-income tax na layunin ng US. Nakakatanggap ng suporta ang Foundation mula sa Western Union Company, at mula sa mga empleyado, ahente, at kasosyo nito sa negosyo. Pinopondohan ng Foundation ang mga gawaing nagbibigay ng pagkakataon sa mahihirap na makalahok sa pandaigdigang ekonomiya sa pamamagitan ng edukasyon at sumusuporta ito sa mga gawaing nagsusulong ng humanitaryanismo para sa mga komunidad na may sigalot.