Ni Juan Alvarado, empleyado ng Western Union
Alam ng marami kung paano magtipid ng pera, marahil ay dahil sa mababang kita, o dahil sa mga utang at bills na dapat bayaran. Titindi pa ito kung may mga anak na dapat alagaan.
Naitanong mo na ba sa sarili mo, saan napunta ang pera? Baka ikagulat mo ang sagot. Sa sandaling malaman mo kung saan napunta ang bawat kusing, kahit na napunta iyon sa last minute mong pagbili ng tsokolate o candy, magkakaroon ka ng malinaw na pagtingin sa kung ano ba ang hitsura ng pinansya mo.
Ang magandang balita, mabilis mo nang malalaman kung saan naligaw ang badyet mo, kailangan mo lang tumingin sa bagong high-tech na computer na nasa mesa mo, o sa mamahaling bagong home theater system na meron ka para manood ng mga pelikula o maglaro ng mga video game.
Ang tanong, kaya bang makapag-ipon? Oo naman! Pero kailangan mong maging mapanuri sa mga bagay na binibili mo. Kahit na mura ang mga ito, maiipon din ang mga ito sa katapusan ng buwan, at sa karamihan ng mga pagkakataon, magiging katumbas din ang mga ito ng isa o dalawang mamahaling pagbili. Ang terminong dapat mong kilalanin ay: hindi kinakailangang paggastos.
Hindi kinakailangang paggastos.
Maraming maliliit na butas na maaaring magpatuyo sa isang punong badyet, at kayang iwasan ang mga ito, halimbawa: magkano ang binabayad mo para sa isang kape at gaano ka kadalas magkape? Gaano ka kadalas tamarin para kumain sa labas kaysa sa sipagin na ipagluto ang sarili mo? Naglalakad ka lang ba kung pupunta sa malapit o nagdadala ka pa ng sasakyan o nagko-commute?
Ang lahat ng halimbawang iyon ay tinatawag na hindi kinakailangang paggastos, at kadalasan ay mabilis silang makuha at nakakapagbigay sila ng kasiyahan. Hindi naman sila masama o mabuti, mga opsyon mo lang sila. Ang isang katangiang mayroon sa kanilang lahat ay hindi mo kailangang pag-isipang mabuti ang pagbili sa mga ito, kadalasan ay impulsive ang pagkakabili rito o kaya ay mga produkto itong nakasanayan nang bilhin.
Tungkol sa pagbibigay ng priyoridad ang pagbabadyet, kaya kung sa pakiramdam mo ay iti-treat mo ang iyong sarili, tiyaking natugunan mo muna ang lahat ng pangunahin mong priyoridad. Walang masama sa pagbili sa masarap na burger na gusto mo, o pagbabayad nang extra para sa gupit sa buhok, pero dapat ay nauunawaan mo kung paano ito makakaapekto sa short-term o long-term mong badyet.
Pagbabadyet
Paano ako nagbabadyet? Paano ko inaayos ang aking kita para malaman kung kailan ako pwedeng gumastos para sa mga bagay na hindi naman talaga kinakailangan? Maraming paraan, pero ibibigay ko sa inyo ang aking top 3:
- Ang 80/20 rule: Nabanggit ko na ito dati, sa ganitong uri, kailangan mo lang magtabi ng 20% ng iyong kita at gamitin ang hindi hihigit sa 80% matitira.
- Ang 50/30/20 budget: Mas detalyado ito. Dito, gagamitin mo ang kalahati (50%) ng iyong kita para bayaran ang mga bills at iba mo pang pangangailangan tulad ng mga pagpapakumpuni sa bahay, pagkain, atbp. 30% ang mapupunta sa mga “treat”, at ang natitirang 20%, siyempre, dapat mo itong ipunin!
- Mga listahan ng badyet: Kada buwan, gumawa ng mga listahan ng mga kailangan mong pagkagastusan para mabuhay, mula sa pinakamahalaga pababa, magtalaga ng bilang sa bawat isa at tingnan kung saan ka pwedeng magdagdag o magbawas.
Sa pag-alam sa mga bagay na ito, makakatulong ito sa iyong gastusin ang pera mo sa tamang paraan at bubuksan nito ang isip mo sa panibagong mundo ng paggastos. Magiging kapaki-pakinabang ito kung sakaling magkakaroon ng emergency, o kung may espesyal na bagay kang gusto mong pagkagastusan. Alamin kung kailan dapat gumastos, at bayaran muna palagi ang sarili mo!