Dahil sa internet at mga networking site, napaka-common nang makahanap ng special someone online. Sa mga dating app, social media, at kahit sa mga gaming platform, mas madali nang makakonekta at makahanap ng pag-ibig. Marami sa mga tao sa mga makabagong henerasyon ang nakahanap na ng pag-ibig online, “modern love story” ang tawag nila rito. Walang duda, magandang lugar ang internet para makahanap ng pag-ibig, pero hindi ito palaging ligtas. Binibiktima ng mga scammer ang damdamin at emosyon ng mga tao para makapagsamantala sa pera.
Madaling gumawa ng profile sa isang online dating site o social media, kaya ito ng kahit na sino. Gamit ang mga pekeng detalye, mga larawan, at magigiliw na message, kukunin ng mga scammer ang loob at tiwala mo. Kapag nakuha na nila ang tiwala mo, kadalasan ay ihihiwalay ka nila para madali ka nilang mamanipula, sa pamamagitan ng pagkukuwento kung bakit nila kailangan ng pera. Ang nakakalungkot, marami nang naloko sa mga ganitong romance scam trick. Dahil sa nabuong ugnayan at tiwala – nagbibigay ng pera ang iba, pero sa huli ay uuwi silang luhaan.
Para mautakan ang mga scammer, tingnan natin ang ilan sa mga karaniwang romance scam scenario:
- Sundalo sa ibang bansa
Isa itong classic scam na pumupuntirya sa pagiging maawain at makabansa mo. Gamit ang isang online profile, sasabihan ka niya na isa siyang sundalo na nasa ibang bansa. Kukunin niya ang tiwala mo sa pamamagitan ng mga kuwento ng kanyang serbisyo, kung gaano niya nami-miss ang kanyang pamilya, at kung gaano siya kalungkot.
Kapag nakuha na niya ang tiwala mo, sasabihan ka niya na gusto ka niyang makita nang personal, pero kailangan niya ng tulong sa mga “gastos sa biyahe” o “bayarin para makakuha ng leave sa military service.” Hindi kailangang magbayad ng anumang “bayarin” ng mga totoong sundalo ng militar para makapag-leave, at kadalasan ay sinasagot na ang kanilang mga gastos sa biyahe.
- Mayamang negosyanteng hindi makaalis sa ibang bansa
Sinasabi niyang isa siyang matagumpay na negosyanteng nagtatrabaho sa ibang bansa. Ipapakita niya kung gaano kagarbo ang kanyang pamumuhay sa pamamagitan ng mga larawan, kadalasan ay mga larawan ng mga mamahaling hotel, mamahaling sasakyan, shopping haul, at kung minsan ay mga gourmet meal.
Minsan pa nga, nagpapadala siya ng regalo para makuha niya ang tiwala mo. Pagkatapos, bigla siyang magkakaproblema, kunwari, nanakawan siya o nagkaroon siya ng hindi inaasahang gastos, hindi niya makuha ang pera sa bansa niya, o hindi niya ma-access ang kanyang funds at kailangan niyang humiram “agad” ng pera sa iyo. Mangangako siya na isasauli ang pera sa loob ng ilang araw, at magbabayad din siya ng extra para sa abala. Naa-access ng mayayamang tao ang kanilang funds anumang oras, at kung hindi, marami silang paraan para malutas ito.
- May sakit na kamag-anak
Pagkatapos ng ilang linggong pagme-message, sasabihan ka ng online love interest mo na may kamag-anak siya na malubha ang karamdaman. Sasabihin niya na kailangang-kailangan niya ng pera para sa mga gastusing medikal, at kung hindi niya makukuha agad ang pera ay puwedeng mamatay ang kanyang kamag-anak.
Magpapakita rin ang mga scammer ng mga pekeng medikal na dokumento. Gamit ang mga panloloko sa emosyon at paggamit ng emergency, susubukan niyang makahuthot ng pinakamaraming pera hangga’t maaari. Natural ang kagustuhang tumulong sa mga medikal na emergency, pero mahalagang palaging mag-verify at tandaang maging maingat kapag nakikipag-ugnayan sa isang taong hindi mo pa nakikita nang personal.
- Long-distance love na kailangan ng pera para makipag-usap
Papaniwalain ka ng scammer na nakatira siya sa isang maliit at liblib na bayan o bansa kung saan mahina ang network at mahirap ang komunikasyon. Sasabihan ka niya na kailangan niya ng pera para bumili ng phone, magbayad para sa internet access, o bayaran ang gastos para sa isang espesyal na app na kailangan niya para palagi siyang in touch sa iyo. Dahil sa lawak at pagiging abot-kaya ng internet at mga network, malamang na hindi totoo na kailangan niya ng pera para patuloy kang makausap.
Paano makakaiwas sa romance scam?
Makakaapekto ang mga romance scam sa iyong emosyonal at pinansyal na well-being. Dahil sensitibo itong paksa, marami ang mabilis na nauuto. So, it’s important to always look for the red flags and #BeFraudSmart before you talk to someone you’ve met online.
- Huwag magmadali: Maghinay-hinay. Huwag magpa-pressure at palaging maglaan ng panahon para kilalanin ang isang tao, at mag-ingat kung sa tingin mo ay masyado siyang nagmamadali.
- Mag-research: Kung sa tingin mo ay may mali, magtiwala sa kutob mo. Use the reverse image search on the photos to see if they’ve been used somewhere else.
- Panatilihing pribado ang impormasyon mo: Hindi mo kailangang i-share ang personal at pinansyal mong impormasyon sa isang taong hindi mo pa nakikilala nang personal. Protektahan ang mga detalye mo hangga’t hindi ka nakakasiguro na mapagkakatiwalaan mo siya.
- Huwag magpadala ng pera: Mag-ingat kung hinihingian ka ng pera, lalo na sa mga emergency o hindi inaasahang gastos. Huwag magpadala ng pera sa taong nakita mo lang online, tandaan “hindi palaging totoo ang nakikita mo.”
- Mag-ulat ng mga kahina-hinalang kilos: Protektahan ang iyong sarili at ang iba. Gamitin ang report at block option sa profile mo kapag naghihinala ka ng scam. Nakakatulong ito sa mga awtoridad na gumawa ng karampatang aksyon.
Nakaka-excite humanap ng pag-ibig online, pero mahalagang mag-ingat kapag nakikipag-usap sa isang taong nakilala mo online. Humanap tayo ng mga totoong ugnayan sa pamamagitan ng pagtutulungan para manatiling mas matalino at mas ligtas.