Ngayon ay International Women’s Day, isang espesyal na araw ng pagkilala para maipagbunyi ang mga nakamit ng mga kababaihan at para itampok ang katotohanang sa kabila ng malalaking pag-abante, nagpapatuloy pa rin ang laban para sa pagkakapantay-pantay sa kasarian.
Sa Western Union Foundation, alam naming ang pagkakapantay-pantay sa kasarian ay mag-uugat sa pagkakataong kumita, at naniniwala kaming ang pinakasiguradong paraan para kumita ay sa pamamagitan ng edukasyon. Kaya naman nakikipagtulungan kami sa mga NGO sa buong mundo para turuan ang mga kababaihan ng mga kakayahan at kaalamang kakailanganin nila para magtagumpay sa mga trabaho para sa hinaharap – na nakakatulong sa kanilang paunlarin ang kanilang kabuhayan, ang kabuhayan ng kani-kanilang pamilya, at ang kabuhayan ng kani-kanilang komunidad.
Gusto namin kayong ipakilala sa ilang nakaka-inspire na kababaihang natutulungan ng mga pinopondohan naming NGO:
Tumakas si Fatima mula Fallujah at kumukuha na ngayon ng mga programming class sa Re:Coded sa Erbil, Iraq. "Noong 2013, kinontrol ng ISIS ang Fallujah, at napilitan kaming tumakas,” aniya. “Naghahanap ako ng mas magandang buhay para sa aking mga anak at isang mas magandang kinabukasan. Naakit ako sa mga lihim ng coding, at ngayon, pangarap kong gumawa ng mga bagong proyekto sa larangan ng kalusugan."
Nakatakas si Hellen mula sa civil war sa kanyang bansa sa South Sudan, at nakarating siya sa Kiryandongo Refugee Settlement sa Uganda, kung saan nakakumpleto siya ng pagsasanay sa negosyo sa pamamagitan ng Whitaker Peace & Development Initiative. “Ngayon, ganap na akong certified sa negosyo at entrepreneurship,” paliwanag niya. “Sana ay makapagsimula ako ng sarili kong negosyo sa hinaharap at magamit sa tama ang mga kamangha-manghang kaalaman at kasanayang natutunan ko."
Si Briana ay isang single mother sa Denver, CO. Kumuha siya ng mga job training class sa Mi Casa Resource Center, at ngayon ay isa na siyang Information Systems Coordinator. "Gusto ko ang pakiramdam na kaya kong sabihing bahagi ako ng pagbabago sa aming komunidad,” sabi ni Briana. “Gusto kong nakikita ako ng aking mga anak na bumabangon araw-araw para pasukan ang isang trabahong gusto ko. Gusto kong malaman nilang kaya rin nila ito."
Bilang karagdagan sa mga pagpopondo sa mga nabanggit na NGO at sa iba pa, nag-aalok din kami ng mga scholarship sa mga kabataang nag-aaral sa mga larangan ng STEM o negosyo/entrepreneurship sa pamamagitan ng aming pandaigdigang WU Scholars program. Sa 174 na scholarship na naibigay noong nakaraang taon, 68% ang napunta sa mga babaeng aplikante.
Proud kaming suportahan ang mga kababaihang nagsusumikap na baguhin ang kanilang kalagayang pang-ekonomiya sa pamamagitan ng edukasyon. Para makakilala pa ng mas maraming nakaka-inspire na kababaihan, hanapin ang hashtag na #TogetherWeSucceed sa Facebook at Twitter.